BASAHIN: Ipinagmalaki ng Department of Justice o DOJ ang mga programa at mahahalagang accomplishment nito sa loob ng isang taon.
Kabilang dito ang pagbuo ng iba’t ibang task force, gaya ng Task Force POGO Closure, kung saan 100 porsiyento nang naipasara ang mga lisensiyadong POGO sa bansa hanggang Agosto 2026.
Itinatag din ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Task Force alinsunod sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ayon kay DOJ Undersecretary Raul Vasquez, hanggang Setyembre ngayong taon, 13 aktibong criminal cases ang nakabinbin sa Court of Tax Appeals, habang nasa 45 kaso naman ang sumasailalim sa case build-up.
Pagsapit naman ng November, umabot na sa 3.5 bilyong piso ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na kontrabando at produktong agrikultural.
Ipinagmalaki rin ng DOJ ang pagkumpleto sa balangkas ng Criminal Code of the Philippines na naglalayong gawing moderno at mas epektibo ang pagpapatupad ng criminal laws sa bansa.
Samantala, nakipagkasundo rin ang DOJ sa Bangko Sentral ng Pilipinas para sa information-sharing agreement na magpapalakas sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga kasong may kaugnayan sa financial account scams at iba pang paglabag sa ilalim ng Anti-Financial Account Scamming Act o AFASA.
Inilunsad din ng kagawaran ang mga panuntunan para sa cybercrime investigation and prosecution upang maging mas koordinado at sistematiko ang paghawak sa mga kasong may kaugnayan sa cybercrime, kabilang ang wastong pangangalaga sa digital evidence at pagsusulong ng mga kaso.
No Comments Yet...